Punerarya sa Maynila ipinasara dahil sa pag-hostage sa isang bangkay

Ipinasara ni Manila Mayor Isko Moreno ang Funeraria Cruz sa 2620 Severino Reyes St. Sta. Cruz, Maynila dahil sa pag-hostage sa katawan ng isang namatay matapos na hindi nakabayad ng P360,000 ang kaanak nito.

Maliban sa pagpapasara, kakasuhan din ang operation manager na si Rolando Morado, 54 at May Manahan, 49, ang secretary ng Funeraria Cruz.

Una nang lumapit sa Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) si Mirasol Olegenio, 58 ng Poblacion West Sta. Ignacia Tarlac, City, ina ng namatay na si Marvin Olegenio, 30, empleyado ng Dumduma Construction and Trading Corporation sa Poblacion West Sta. Ignacia Tarlac, City.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nagtungo sa Maynila ang barge ng biktima bilang bahagi ng kanyang trabaho subalit aksidenteng bumangga ito at nalunod sa San Juan River sa Bacood Sta. Mesa noong Setyembre 3.

Dinala ang bangkay ng biktima sa Funeraria Cruz kung saan binigyan sila ng quotation na umaabot sa P360,000 kabilang ang restoration at reconstruction. Hindi pa kasama dito ang kabaong.

Sa sobrang laki ng quotation nais na lang kunin ni Mirasol ang bangkay ng anak subalit tumanggi sina Morado at Manahan.

Doon na lumapit si Mirasol sa SMaRT at isinagawa ang entrapment operation.

Nalaman umano ng punerarya na binayaran ng kumpanya ang pamilya ng nasawi ng P500,000 kaya nais nialng samantalahin ang mga ito.

Kakasuhan ng theft at robbery extortion ang mga suspek.

Read more...