Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, kinilala ang dinakip na abogado na si Atty. Joselito Vasquez. Inaresto din ang dalawa niyang kasama na sina Huang Xiangfei, Chinese national, at driver na si Meljohn Palma.
Ang tatlo ay dinakip sa ikinasang entrapment operation sa loob ng Regional Special Operations Unit (RSOU) office ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig City alas 2:00 ng madaling araw ng Biyernes (Sept. 6).
Kwento ni Eleazar, nilapitan ni Vasquez ang hepe ng RSOU alas 9:00 ng gabi ng Huwebes (Sept. 5) para mag-alok ng P2 million upang mapalaya ang kliyente niyang si Li Xuemei na isa sa dalawang Chinese nationals na inaresto noong Miyerkules dahil sa pag-operate ng prostitution den sa Makati City.
Sa nasabing operasyon, nailigtas ang anim na babaeng Vietnamese na ginagamit para magbigay ng sexual services sa mga Chinese worker ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ani Eleazar bumalik si Vasquez sa RSOU office madaling araw ng Biyernes dala ang P1 million. Doon na nagkasa ng entrapment operation ang mga otoridad at nakumpiska sa driver na si Palma ang P200,000 pa.
‘
Hawak ngayon ng RSOU ang tatlo at mahaharap sila sa kasong paglabag sa Article 212 o Corruption of Public Officer in relation to Article 6 ng Revised Penal Code.