Sa gitna ng banta ng African Swine Fever (ASF), sinunog ng otoridad ang nasa P470,000 halaga ng karneng baboy at pork products sa Cebu City.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Mary Rose Vincoy, kabilang sa mga sinira ang 68 na kahon ng MaLing luncheon meat na nakumpiska sa Cebu Pier 1 at iba pang de-latang produkto na isinuko ng mga supermarket sa lungsod.
Sinabi naman ng African Swine Fever Task Force ng Cebu Province na ang sinunog na mga produkto ay galing sa mga bansa na may naiulat na ASF.
Nasa 5.9 kilos ng frozen pork meat at MaLing na mula China ang sinira sa pamamagitan ng thermal destruction sa RRDA Petro Chemical Industries sa Mandaue City.
Una nang ipinagbawal ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Agriculture (DA) ang pork products mula sa 20 bansa kabilang ang China dahil sa ASF.
Dahil dito ay patuloy ang maigting na monitoring ng ASF Task Force laban sa pagpasok sa bansa ng bawal na mga produkto mula sa baboy.