PNP-HPG, MMDA sanib-pwersa sa pagmamando ng trapiko sa EDSA
Magiging magkatuwang na ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagmamando ng trapiko sa EDSA.
Sa isang press briefing, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na magkakaroon ng hatian sa mga tututukang kalsada ng MMDA at PNP-HPG sa EDSA.
Nasa isang daang tauhan ng MMDA aniya ang ipakakalat sa EDSA sa ilalim ng pamumuno ng PNP-HPG.
Ang ilang MMDA personal sa ilalim ng pamumuno ni EDSA traffic head Bong Nebrija ay babantayan ang trapiko mula EDSA-Timog Avenue hanggang Balintawak at Ortigas hanggang Makati City.
Maliban dito, babantayan din ng kanilang hanay ang sitwasyon ng trapiko sa Magallanes hanggang Roxas Boulevard.
Nakatoka naman sa mga opisyal ng PNP-HPG ang bahagi ng Timog Avenue hanggang Ortigas.
Paliwanag ni Garcia, ang nasabing bahagi ng EDSA ang may pinakamaraming pasaway na motorista.
Inaasahan naman mapapaigi ang trapiko dahil posible aniyang maging disiplinado na ang mga motorista sa pinagsanib na operasyon ng dalawang hanay.
Magsisimula ang operasyon ng PNP-HPG at MMDA sa araw ng Lunes, September 9.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.