Kasunod 15 araw na deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag ng Department of Justice (DOJ) na wala pang lampas sa 10 convicts, na napalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) law, ang sumuko hanggang araw ng Huwebes.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mayroon nang mga sumukong convicts isang araw matapos sabihin ng pangulo na bumalik ang mga ito sa Bureau of Corrections (BuCor) para sa re-computation ng kanilang GCTA.
Kinumpirma ito ni Guevarra kay Senator Panfilo Lacson pero confidential anya ito kaya hindi nila maidetalye.
Ayon kay Lacson, magandang indikasyon na may mga sumuko ng convicts.
Gusto lamang umano ng senador na malaman kung sino na ang mga nag-avail sa nais ng pangulo na sumuko para maayos ang kanilang GCTA.
Araw ng Miyerkules, matapos ianunsyo ang pagsibak kay BuCor chief Nicanor Faeldon ay nagbigay ng 15 araw ang pangulo para sumuko ang halos 2,000 convicts na napalaya dahil sa good conduct.