Sanitary landfill sa Bulacan pinasisiyasat ng isang environmental group sa Senado at sa DENR
Umapela sa Senado at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang environmental group para imbestigahan ang isang sanitary landfill sa Norzagaray, Bulacan.
Tinukoy ng Alliance for Consumer and Protection of Environment (ACAPE) ang Wacuman Sanitary Landfill na anila ay may mga paglabag at banta sa kalusugan ng mga residente.
Sinabi ni ACAPE president Jun Braga, lumalabag sa national at local environmental laws ang Wacuman.
Kaugnay nito, sumulat na ang ACAPE kina Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Environment and Natural Resources; Sen. Bong Go, chairperson ng Senate Committee on Health; at kay DENR Sec. Roy Cimatu, para tugunan ang usapin sa Wacuman Sanitary Landfill.
Ayon sa grupo, dapat siyasatin ang paglabag nito dahil maliban sa hindi magandang dulot sa kalikasan ay nakasasama din ito sa komunidad.
Sinabi ng ACAPE na nabigo ang Wacuman Sanitary Landfill na mag-apply ng permits to operate mula sa LGUs ng San Jose Del Monte (SJDM) at Norzaragay.
Nilalabag din umano nito ang Rule 14, Sec. 1 ng Republic Act 2002, o ang Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na nagsasabing ang lokasyon ng isang landfill ay dapat nakatutugon sa overall land use plan ng LGU.
Natuklasan ng ACAPE na ang nasabing landfill ay hindi kasama sa land use plan ng SJDM o Norzagaray.
Nakasaad din sa batas dapat may resolusyon ang Sangguniang Bayan o ang LGU para sa operasyon ng isang landfill upang matiyak ang pagsunod nito sa standards at requirements.
Pero ayon sa ACAPE walang nakuhang resolusyon mula sa Sangguaning Bayan ang Wacuman.
“Philippines laws stipulate that a landfill facility should be located at a minimum distance of 50 meters from any perennial stream, lake, or river and that its operation will not affect environment resources including aquifers, groundwater reservoirs, or watershed areas. “The location of facility is a violation of Presidential Decree (PD) 1152 which prohibits landfills along the banks of rivers and streams. Wacuman’s facilities are adjacent to a water system which is in violation of 300 meters distance requirement under DENR Administrative Order No. 50 series of 1998,” dagdag pa ng ACAPE.
Sinabi rin ng grupo nagdaragdag ng dumi sa San Jose del Monte river ang landfill at ang natural waterways ng SJDM na Kipungkok, Sto. Cristo, at Sta. Maria river systems ay kunektado sa Marilao River na direktang dumadaloy naman patungong Manila Bay.
Una nang sinabi ng kapitan ng Barangay Paradise III sa SJDM na walang public consultation o public hearing na ginawa bago ang operasyon ng landfill.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.