Sa aide-memiore na kanyang pinadala kina Pangulong Duterte, Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, sinabi ni Salceda na ang naturang hakbang ay maaring gawing last resort kasunod ng pagbaba ng farmgate prices ng palay mula P17.78 hanggang P7 kada kilo sa ilang lugar sa Luzon.
Bagama’t inalis na ang QR sa rice imports matapos maisabatas ang Rice Tariffication Law, sinabi ni Salceda na maari itong ipatupad muli kapag mabigyan ng special powers ang Pangulo.
Maari rin aniyang maglaan ng cash transfers sa mga marginal small-lot farmers at concessional loans naman sa mga magsasaka na may mahigit limang ektaryang lupain.
Bukod dito, sinabi ni Salceda na posible ring igiit ang Republic Act 8800 o ang Safeguards Law para magpataw ng 30 percent hanggang 80 percent tariff sa mga imported rice na lagpas sa Minimum Access Volume (MAV) na 350,000 metric tons.
Magugunita na ang Rice Tariffication Law ay personal na hiniling ng mga economic managers ng Duterte administration bilang isa sa mga nakikita nilang paraan para masolusyunan ang mataas na inflation rate o pagbilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin.