DOTr: Driver na hindi maghihinto ng sasakyan bago tumawid ng rail crossing paparusahan

Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Land Transportation Office (LTO) na parusahan ang mga driver na lalabag sa batas trapiko kapag tumatawid sa railroad crossing.

Ayon sa DOTr, papatawan ng parusa ang driver kapag hindi tumigil ang sasakyan nito sa crossing ng Philippine National Railways (PNR).

Alinsunod ito sa Land Transportation and Traffic Code na nag-oobliga sa driver na ihinto ang kanyang sasakyan bago tumawid sa anumang railroad crossing.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, gagawa ang LTO at PNR ng mekanismo para maparusahan ang pasaway na driver at para maiwasan na rin ang aksidente sa pagtawid sa rail lines.

“Through an enforcement system, violators cannot just get away with their misbehavior. We will be able to determine those who deliberately and habitually disobey our traffic rules on rail lines,” pahayag ni De Leon.

Binanggit din ng opisyal na kailangang mapangalagaan ang imprastraktura at maiwasan ang malaking gastos sa maintenance ng naturang transport system.

Hakbang ito ng DOTr kasunod ng pagsalpok ng isang van sa isang tren ng PNR sa Parian crossing sa Calamba, Laguna.

Lumabas sa imbestigasyon na kahit papalapit na ang tren ay tumawid pa rin ang van, dahilan ng pagkasugat ng pitong katao kabilang ang isang 2 anyos na bata at babaeng sanggol at pagkasira ng tatlong bahay at tricycle.

Tiniyak naman ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante ang koordinasyon para sa implementasyon ng batas at utos ng DOTr.

 

Read more...