Sinibak na sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon.
Sa kanyang ipinatawag na press conference sa Malacanang ngayong hapon ay sinabi ng pangulo na nagdesisyon siya na sibakin si Faeldon dahil sa pagsuway sa kanyang utos.
May kaugnayan pa rin ito sa pagpapalaya sa ilang mga preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
“I decided last night… I am demanding the resignation of Faeldon immediately,” ayon kay Duterte.
Muli ring nilinaw ng pangulo na hindi sa kanyang termino napagtibay ang nasabing batas na kanya na ring ipinasuspinde.
Kasabay nito ay ipinagtanggol naman ng pangulo si Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ikinatwiran ng pangulo na tama ang ginawa ni Panelo na ini-refer ang kaso ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa Board of Pardons and Parole (BPP) kaugnay sa hirit ng pamilya nito na executive clemency.
Malinaw ayon sa pangulo na hindi naman pinakialaman ni Panelo ang BPP sa kanilang desisyon sa kaso ni Sanchez.
Samantala, pinayuhan naman ni Duterte ang mga halos ay 2,000 preso na nakalaya dahil sa GCTA na sumuko na sa mga otoridad dahil kailangang muling isalang sa review ang kanilang mga kaso.