Nagsagawa ng executive session ang House Committee on Appropriations upang pag-usapan kung ano ang mga napagkasunduan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, humihingi siya ng executive session dahil hindi niya batid kung nasa posisyon siya para sabihin sa publiko ang anumang posisyon dito ng China.
Naungkat ang isyu sa pagtatanong ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate tungkol sa panghihimasok ng mga Chinese vessels, pagtatayo ng military posts, at ang isyu na tila isinuko na ng bansa ang karapatan sa ating teritoryo.
Giit ni Locsin, hinding hindi isusuko ng bansa ang karapatan kahit ang pinakamaliit na bahagi sa WPS.
Aniya, problema na ng China kung ano ang kanilang gagawin lalo pa’t pumanig sa bansa ang arbitral tribunal.
Hindi rin aniya tumitigil ang DFA sa paggiit ng karapatan ng Pilipinas sa China sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest.
Aabot na sa humigit kumulang sa 60 note verbale ang naihain ng ahensya sa China mula pa noong 2016.