Hepe ng Bureau of Immigration at 2 iba pa, patatalsikin na

By Kathleen Betina Aenlle January 04, 2016 - 02:40 AM

Mison and RepizoNapagdesisyunan na ng mga mas nakatataas ang pagpapalis kina Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison, Deputy Commissioner Gilberto Repizo at isa pang hindi na pinangalanang opisyal ng kawanihan dahil sa mga kontrobersyang kinasangkutan nila.

Ayon sa isang source ng Inquirer na tumangging magpakilala dahil sa kawalan ng otorisasyon na magsalita hinggil sa isyu, pakakawalan na sina Mison, Repizo at isa pang opisyal dahil sa ilang mga ulat ng pagkakasangkot nila sa mga anomalya.

Isinailalim sa imbestigasyon si Mison ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos dalawang beses makawala sa kamay ng mga tauhan ng Immigration ang isang Korean na inakusahan ng pangingikil.

Si Repizo naman ay inakusahan ng pagtanggap ng suhol para pigilan ang pagpapadeport kay Wang Bo, na hinihinalang isang Chinese drug lord.

Nagsagawa pa ang House of Representatives ng imbestigasyon hinggil sa panunuhol, ngunit nahinto rin nang ma-deport na si Wang.

Nang hingan ng komento si Mison tungkol dito, sinabi niya na wala pa siyang natatanggap na mga opisyal na dokumento kaugnay sa pagpapatanggal sa kaniya sa pwesto.

Gayunman, inamin niya na isang deputy secretary ang humiling sa kaniya noong Nobyembre, na kusa nang lisanin ang kaniyang posisyon.

Ayon kay Mison, handa naman siya na umalis dahil sumusunod naman siya sa mga iniuutos sa kaniya, pero nais rin sana niyang makausap ang Pangulo upang magpasalamat sa oportunidad na makapaglingkod sa kaniya at sa bayan.

Sa ilang mga dokumento naman na nakuha ng Inquirer, lumalabas na binigyan ni Justice Secretary Benjamin Caguioa ng kapangyarihan si Repizo na dati ay hawak ni Mison.

Nakasaad sa isa sa mga memorandums na inilabas noong November 23, 2015 na binigyan na ni Caguioa si Repizo ng otorisasyon para maging nag-iisang may kapangyarihang maglabas ng exclusion order, na tanging ang pinuno lamang ng kawanihan ang dapat na gumagawa.

Ang exclusion order ang nagpapahintulot sa isang biyahero na makapasok at makalabas sa pamamagitan ng lahat ng ports at paliparan sa bansa.

Hindi naman sinabi ng source kung sino ang mga nakatakdang ipapalit sa mga iiwanang posisyon ng tatlo sa BI na nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Justice.

TAGS: bureau of immigration, commissioner siegfred mison, deputy commissioner gilberto repizo, bureau of immigration, commissioner siegfred mison, deputy commissioner gilberto repizo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.