Paglapag ng eroplano ng China sa Kagitingan reef, binatikos

By Kathleen Betina Aenlle January 04, 2016 - 02:00 AM

REUTERS/CSIS/AFP/PAO
REUTERS/CSIS/AFP/PAO

Ipoprotesta ng Pilipinas ang pagpapalapag ng China ng eroplano sa isang airstrip na itinayo nito sa isang artificial island sa pinag-aagawang Spratlys sa South China Sea.

Naglabas ng pahayag ang Chinese foreign ministry Sabado ng gabi na nagsasabing nakumpleto na nila ang gingagawang airfield sa Fiery Cross o Kagitingan Reef na pinag-aagawan ng Pilipinas at China.

Dagdag pa dito, nagsagawa rin ang China ng flight testing sa nasabing bahura gamit ang isang civilian plane upang malaman kung hanggang saan ang civil-aviation standards ng mga pasilidad nito.

Magkahiwalay na kinumpirma nitong Linggo ng Malacañang sa pamamagitan ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. at ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Charles Jose, ang pagpo-protesta bilang pag-kondena sa nasabing kilos ng China.

Ayon kay Coloma, kaakibat nila ang DFA dito, na sinundan naman ng pahayag ni Jose na naninindigang sa Pilipinas ang Fiery Cross Reef o Kagitingan Reef na bahagi ng Kalayaan Island Group.

Bukod sa Pilipinas, pumalag rin ang bansang Vietnam na umaangkin din sa Kagitingan na tinatawag naman nilang Da Chu Tap reef.

Ayon sa kanilang tagapagsalita na si Le Hai Binh, iligal na itinayo ang airstrip sa naturang bahura na teritoryo umano nila sa Spratlys.

Ani Binh, sa pamamagitan nito, nilabang ng China ang soberanya ng Vietnam, maging ang kanilang mga kasunduan na nakaapekto ang kanilang bilateral relations.

Bumwelta naman ang China sa mga natanggap nilang batikos, at iginiit na napapaloob sa kanilang soberanya ang pagsasagawa ng test flight sa Kagitingan na tinatawag nilang Yongshu Island.

Sa pahayag na sumasagot sa mga pasaring sa kanila, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Hua Chunying na hindi rin aniya nila papatulan ang akusasyon ng Vietnam na wala namang basehan.

Matatandaang kabilang ang Kagitingan sa pitong bahura sa Spratlys ang tinabunan ng buhangin ng China bilang bahagi ng kanilang reclamation.

Ang anim na iba pa ay ang Calderon (Cuarteron), Burgos (Gaven), Mabini (Johnson South), Panganiban (Mischief), Zamora (Subi) at McKennan (Hughes) reefs na lahat ay kinikilala ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nasasakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

TAGS: China, fiery reef, kagitingan reef, spratly islands, territorial dispute, Vietnam, China, fiery reef, kagitingan reef, spratly islands, territorial dispute, Vietnam

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.