Pamilya Sanchez dalawang beses bumisita kay Panelo sa Malakanyang

By Chona Yu September 04, 2019 - 08:13 AM

Hindi lang isa, kundi dalawang beses na nagtungo sa Palasyo ng Malakanyang ang pamilya ni convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez para makipagpulong kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Base sa pananaliksik ng Radyo Inquirer, nadiskubre sa log book sa Malakanyang na unang nagtungo sa tanggapan ni Panelo si Elvira Sanchez, asawa ng dating mayor noong February 6, 2019 o isang araw bago lumiham ang anak ni Sanchez na si Marie Antonelvie kay Panelo para hilingin na tulungan ang kanyang ama na mabigyan ng pardon o makalaya mula sa pagkakakulong sa New Bilibid Prisons (NBP).

Muling bumisita si Elvira kasama na si Marie Antonelvie sa tanggapan ni Panelo sa Malakanyang noong February 26, 2019 o ito ang araw na nagbigay ng referral ang kalihim kay Board of Pardons and Parole (BPP) Executive Director Reynaldo Bayang.

Gayunman, hindi nakasulat sa log book kung nakaharap ni Panelo ang pamilya Sanchez sa dalawang beses na pagbisita sa kanyang tanggapan.

Sa press briefing noong Martes, sinabi ni Panelo na isang beses lamang niya na naka-meeting ang pamilya Sanchez at tanging ang mga anak lamang ang nakasama sa pagpupulong.

Bagaman hindi maalala ang eksaktong petsa, sinabi ni Panelo na naganap ang kanyang pakikipag-meeting sa pamilya Sanchez matapos sumulat sa kanya si Marie Antonelvie.

TAGS: Antonio Sanchez, board of pardons and parole, elvira sanchez, New Bilibid Prisons, referral letter, Salvador Panelo, Antonio Sanchez, board of pardons and parole, elvira sanchez, New Bilibid Prisons, referral letter, Salvador Panelo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.