Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na may itinatago ang asawa ni convicted rapist at murderer Antonio Sanchez kaya biglang nawala ang cellphone at sim card nito.
Sa pagdinig ng Senado, nagduda ang senador kung bakit nawawala ang cellphone kung saan umano nalaman ng pamilya ang nakatakdang paglaya ng dating alkalde.
Sinabi ni Ginang Elvira Sanchez na noong August 20 ay may natanggap siyang text message mula sa hindi niya kilalang numero na nagsabing malapit nang lumaya ang kanyang mister.
Pero nang tanungin ni Drilon kung nasaan ang naturang mensahe ay sinabi ni Ginang Sanchez na wala na ang kanyang cellphone dahil sa kanyang galit ay ibinato niya umano ito.
“Actually nga po, wala na po akong cellphone. Kanina lang po. Hindi ko po tinanggal ang message, ang tinaggal ko po ay sim card ko at binato ko na po ang cellphone ko dahil sa sobrang galit ko na po,” sagot ni Sanchez.
Pero sinabi ng senador na malinaw na may itinatago ang asawa ni Sanchez, ang pagkawala anya ng text message ay patunay na may nais ikubli ang pamilya.
Samantala, sa naturang pagdinig ay lalo pang nagisa ang asawa ni Sanchez lalo na ng sabihin nito na wala silang intensyon na bayaran ng danyos ang pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez sa kabila ng utos ng Korte Suprema.
Iginiit din ni Ginang Sanchez na walang kasalanan ang kanyang asawa kaya walang dahilan na humingi ito ng tawad mula sa pamilya ng mga biktima.