Mga magsasaka na apektado ng Rice Tariffication Law hindi pababayaan ng Malakanyang
Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na tinutugunan na at hindi pababayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magsasaka na apektado na ng Rice Tariffication Law.
Pahayag ito ng Palasyo matapos umaray ang mga magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo ng bentahan ng palay mula sa P17 hanggang P21 kada kilo noong 2018 hanggang sa P7 hanggang P10 na lamang kada kilo ngayong taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, si Agriculture Secretary William Dar lang ang makakapag-sabi kung ikokonsidera nang emergency ang pagbagsak ng presyo ng palay.
Nagpahayag rin kasi ang mga magsasaka na sakaling magpatuloy ang pagbaba ng presyo ng palay kada kilo ay mapipilitan silang ibenta na lamang ang kanilang mga sakahan.
Ayon kay Panelo, posibleng talakayin ni Secretary Dar ang concern at rekomendasyon sa usaping ito sa nakatakdang cabinet meeting sa Miyerkules.
Una nang nagpautang ang Department of Agriculture ng P15,000 sa 1,000 magsasaka sa Nueva Ecija upang pangtustos sa kanilang mga pangangailangan o makinarya sa pagsasaka.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.