Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pamemeke ng ilang travel documents.
Ayon kay Grifton Medina, hepe ng BI Port Operations Division, nahuli ang dalawang Chinese national at isang Indian national sa departure area ng NAIA Terminal 1 at 3 noong nakaraang linggo.
Naunang nahuli si Huang Chenghua, 49-anyos, noong August 30.
Gamit nito ang isang Mexican passport na may Canadian visa at papunta sana ng Toronto.
Sumunod na araw nahuli naman ang Indian national na si Mahipal, 25-anyos, matapos gumamit ng pekeng Canadian visa sa kaniyang pasaporte.
Ang isa pang nahuling dayuhan na si Wang Wenjiang, 24-anyos, ay nagpanggap bilang Xu Shao Hong makaraang magnakaw ng pasaporte.
Nakakulong na ang tatlo sa BI Detention Facility sa Bicutan, Taguig City habang inaayos ang kanilang deportation proceedings.
Ilalagay din ang tatlo sa blacklist at hindi na papayang makapasok muli ng Pilipinas.