Patuloy pa rin ang ginagawang pagtugon ng Department of Education (DepEd) sa bumababang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa budget briefing ng House Appropriations Committee sa proposed budget ng DepEd sa 2020, lumalabas na nagkaroon ng low proficiency level sa National Achievement Test o NAT.
Dahil dito, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na kasalukuyang nilang nire-review ang curriculum mula kindergarten hanggang senior high school para maisaayos ang alignment sa content standards, performance standards, at competencies.
Pinagsusumikapan rin aniya ng ahensya na isailalim sa training programs ang mga teacher para iangat ang kanilang kapasidad.
Idinagdag ng kalihim na sa ngayon ay 900,000 ang mga guro sa bansa habang higit 27 million ang mag-aaral kaya kailangan pang tugunan ang pag-mobilize sa teaching personnel.