Isang sanggol at 6 na iba pa sugatan sa banggaan ng tren at van sa Calamba, Laguna
Pito katao ang sugatan kabilang ang isang sanggol sa banggaan ng tren at van sa Calamba, Laguna Martes ng umaga (September 3).
Ayon sa ulat, nabangga ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang private van na bumangga naman sa isang tricycle at tatlong bahay dakong alas-5:00 ng umaga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Jeffrey Rodriguez, pinuno ng Public Order and Safety Officer, sinabi nito na hindi huminto ang van sa train crossing sa Barangay Parian.
Nakausap ni Rodriguez ang driver ng van na kinilalang si Jourdan Sancon at sinabi nitong hindi niya napansin na may paparating na tren. “Ayon sa driver, hindi niya napansin at nabulaga na lamang siya sa paparating na tren. Ayon po sa ating pagtatanong ay bumubusina naman yung tren bago lumagpas.”
Kwento pa ni Rodriguez, tatlong na bahay ang nadamay sa aksidente kung saan pawang mga natutulog ang mga nasugatan kabilang ang isang 7 buwang gulang na sanggol na mapalad na nabalot ng kumot at natabunan ng lupa pero mabilis namang nailigtas.
Bukod sa sanggol kabilang sa mga nasugatan ang isang 2-taong gulang na lalaki, at 3 iba pa na edad 20, 46 at 55.
Dagdag pa ni Rodriguez na pawang mga minor injuries ang tinamo ng mga biktima kaya agad na pinalabas ng ospital.
WATCH:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.