PSA naglinaw ukol sa pilot testing ng national ID
Nagbigay-linaw ang Philippine Statistics Authority (PSA) ukol sa pilot testing ng registration sa national ID.
Ayon sa PSA, hindi pa bukas sa publiko ang pagpapa-rehistro sa Philippine Identification System (PhilSys).
Nilinaw ng ahensya na pilot testing pa lamang ang isinagawa araw ng Lunes, September 2.
Layon ng pilot testing na matiyak na maayos at mabilis ang proseso ng pagrehistro sa national ID.
Nais din ng PSA na malaman kung secure ang lahat ng impormasyon na ilalagay sa PhilSys.
Ang isinagawang pilot testing kahapon ay para lamang sa “pre-determined” na mga empleyado ng PSA gayundin ang mga beneficiaries ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Gayunman ay tiniyak ng PSA sa publiko na “on track” ang implementasyon ng PhilSys.
Sa pilot testing ay pinili ang maliit na bilang ng mga indibidwal mula sa National Capital Region.
Mula ngayong buwan hanggang June 2020 ang pilot testing kung saan ang unang bahagi ay para sa biometric at demographic capturing processes.
August 2018 nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas ukol sa national ID system na layong pag-isahin ang ID sa public at private transactions at bilang tugon sa red tape sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.