Wala umanong ipinangako si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanaor Faeldon sa pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Sinabi ito ni Faeldon sa pagdinig sa Senado kasabay ng pag-amin ng meeting niya sa mga kaanak ni Sanchez bago ang sinasabing paglaya dapat nito.
Pero iginiit ng BuCor chief na hindi niya tiniyak sa pamilya ng dating alkalde na mapapalaya ito.
Ang pag-amin ni Faeldon ay nang tanungin siya ni Senator Risa Hontiveros sa gitna ng imbestigasyon sa good conduct time allowance (GCTA).
Kwento ni Faeldon sa Senado, gabi noong July 29 habang nagpapahinga siya sa kanyan quarters ay sinabihan siya na gustong makipag-usap ng pamilya ni Sanchez.
Pinabalik ang mga ito at kinabukasan ay umiyak ang pamilya ng convict sa meeting kay Faeldon.
Sa kabila nito ay sinabihan umano ni Faeldon ang mga ito na kung kwalipikado si Sanchez sa GCTA gaya ng ibang inmates ay mapapalaya ito pero depende pa rin anya kung magiging kwalipikado si Sanchez.
“They cried. So I told them: ‘If your father is going to be qualified for GCTA just like the rest of the PDL that’s going to be the case since he will be released, but that is really depending on whether or not he will be qualified for GCTA. So, there was never an assurance,” ani Faeldon.