Taguig City nakamit ang Nutrition Honor Award

Taguig City photo

Pinarangalan ang Taguig City ng National Nutrition Council (NNC) dahil sa mahusay na pagpapatupad ng programang pang-nutrisyon sa kanilang mamamayan.

Tanging ang Taguig City ang nagawaran ng Nutrition Honor Award sa hanay ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Ang pagkilala ay bunsod ng maayos at mabisang nutrition programs na ipinatutupad ng lungsod simula noong 2013.

Sinabi ni City Nutrition Action Officer Julie Bernabe na nagbunga na rin ang kanilang mga pagsusumikap na kilalanin ang kanilang mga programang pang-nutrisyon.

Ibinahagi nito na anim na taon nilang pinaghirapan na mabigyan ng sapat na nutrisyon ang mga bata at matanda sa lahat ng barangay sa lungsod.

Noon 2013 nakuha na ng Taguig City ang Green Banner Award dahil sa kanilang mga programa at muli nila itong nakuha hanggang noong 2015.

Bukod dito, tatlong sunod na taon din silang kinoronahan na Consistent Regional Outstanding Winner (CROWN) in Nutrition mula noong 2016 na programa ni dating Mayor at ngayo’y Rep. Lani Cayetano.

Kinilala ang programang ‘Laging Alagaan Nutrisyon ni Inay,’ na para sa mga buntis dahil sa pagtuturo ng balance diet at healthy lifestyle, gayundin ang kanilang ‘Operation Timbang Plus’ para naman sa mga sanggol at bata at Dietary Supplementation Program.

Ayon naman kay Mayor Lino Cayetano, pagbubutihin pa nila ang kanilang nutrition, health, wellness at sports programs gayundin ang pagpapabuti ng mga serbisyo sa kanilang mga pasilidad pangkalusugan.

 

Read more...