Ramon Tulfo ipinaaaresto sa PNP ni dating Justice Sec. Aguirre
Hiniling ng kampo ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre III sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang broadcaster at kolumnistang si Ramon Tulfo dahil sa pagsama nito sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China.
Sa pamamagitan ng kanyang abogadong si TJ San Luis, sumulat si Aguirre kay PNP Chief General Oscar Albayalde para ipaaresto si Tulfo.
Katuwiran ni Aguirre, may nakabinbin na kasong libelo si Tulfo sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 at nagpiyansa lamang ito.
Nakasaad anya sa Rules of Court na ang sinuman na nakapag-piyansa ay maaaring ipaaresto kung nagtangka itong lumabas ng bansa ng walang pahintulot sa korte.
Magugunita na sinampahan ni Aguirre ng mga kasong libelo at cyber libel si Tulfo dahil sa mga isinulat nitong artikulo sa Manila Times, gayundin sa online edition ng naturang pahayagan.
Humihingi ng P200 milyon si Aguirre bilang danyos sa katuwiran na sinira umano ni Tulfo ang kanyang integridad at reputasyon dahil pawang walang basehan at malisyoso ang mga isinulat nito patungkol sa kanya.
Nabatid na sumulat na rin si Aguirre kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua noon lang Agosto 27 para balaan ito sa pagkatao ni Tulfo dahil sa higit 30 iba’t ibang kaso na kinahaharap nito.
Si Tulfo ay itinalaga ng pangulo na special envoy ng Pilipinas sa China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.