Inilatag sa Ordinance No. 8243 ng lungsod ang parusa sa mga magulang na pabaya sa mga anak nilang menor de edad.
Para sa mahuhuli na lumabag sa curfew na edad 12 anyos at pababa, P5,000 ang multa ng magulang at may kulong na hanggang 6 buwan.
Para sa edad 13 anyos hanggang 14 anyos, nasa P3,000 ang penalty ng magulang at hanggang 3 buwan na pagkakulong.
Habang ang lalabag sa curfew na edad 15 anyos hanggang 17 anyos, P2,000 ang multa ng magulang at hanggang 1 buwan ang kulong.
Ang naturang penalty ay alinsunod na rin sa Ordinance No. 8547 na unang inilabas ng Manila City Government kung saan nakasaad na epektibo araw ng Lunes, September 2, 2019, mahigpit na ipapatupad ang curfew para sa mga kabataan mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw.
Inilabas ni Mayor Isko Moreno at city council ng lungsod ang mga ordinansa kasunod ng nahuling 22 mga kabataan na nagso-solvent at sangkot sa riot sa Delpan, Tondo sa gitna ng pag-iikot ng alkalde Linggo ng gabi.
Inutusan din ni Mayor Isko ang Manila Police District (MPD) na hanapin ang pinagkukunan ng mga bata ng rugby at iba pang solvent-based products.