Pangulong Duterte, naging apologetic kay Chinese Pres. Xi Jinping sa pagdiga ng PCA ruling
Naging apologetic si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping nang idiga ang Hague ruling ng Permanent Court of Arbitration na hindi kinikilala ang nine dash claim ng China sa South China Sea.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na base sa bilateral talks ng dalawnag lider noong nakaraang linggo sa Beijing, China agad na humingi ng paumanhin si Pangulong Duterye kay Xi nang ilatag ang PCA ruling.
Ayon kay Panelo, inaalala kasi ng pangulo na abala si Xi dahil sa gulo sa Hong Kong.
“Sabi ni Presidente, “Ayaw ko sanang gambalain kayo dito sa i-raise ko dahil mayroon kayong problema sa Hong Kong kaya humihingi ako ng dispensa. Ngunit, kailangan ko itong sabihin sapagkat ipinangako ko ito sa akin mga kababayan,” pahayag ni Panelo.
Bilang tugon, sinabi ni Xi kay Pangulong Duterte na okay lang ito.
“Sabi naman ni President Xi, ‘nauunawaan naman kita diyan. So okay lang sa akin ‘yan,” dagdag ni Panelo.
Agad namang nilinaw ni Panelo na walang tensyon sa pag-uusap ng dalawang lider.
“Definitely wala… may mutual respect e. Kapag may mutual respect, e walang tensyon,” dagdag ni Panelo.
Pero sa naturang pagpupulong, sinabi ni Xi kay Duterte na hindi niya kinikilala ang ruling ng PCA at hindi yuyuko ang China sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.