Handa sina Bureau of Corrections director general Nicanor Faeldon at regional superintendent Melencio Faustino na sumalang sa lifestyle check.
May kaugnayan pa rin ito sa pagpapalaya sa ilang mga preso sa ilalim ng good conduct time allowance o GCTA.
Sa pagdinig ng Senado kanina ay napag-alaman na karamihan sa mga nakinabang sa GCTA ay ilang may kayang mga bilanggo.
Nauna dito ay hinamon ni Sen. Imee Marcos ang nasabing mga opisyal makaraang lumabas ang pagdinig na pirmado na nila ang pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez pero ito ay napigil dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw naman ng mga BuCor officials na walang kinalaman ang pera sa pagpapalaya sa ilang preso kundi sumusunod lamang umano sila sa manual na nakapaloob sa pagpapatupad ng GCTA.
Sa nasabi ring pagdinig kanina ay sinabi ni Sen. Ping Lacson na walong mga Chinese drug lord ang nakalaya dahil sa GCTA at sila ay wala na ngayon sa bansa.
Bukas ay muling ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee ang pagdinig kaugnay sa nasabing isyu.