Epekto ng rice tarification law sa huling bahagi pa ng 2019 mararamdaman
Aminado ang Department of Agriculture na sa fourth quarter pa ng taon mararamdaman ng mga lokal na magsasaka ang mabubuting epekto ng Rice Tarification Law lalo na sa Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Sa briefing ng DA sa House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Undersecretary Ariel Cayanan na mapakikinabangan ang P5 Billion na obligated fund para sa RCEF sa pagpasok ng dry season.
Ipinaliwanag rin ni Project Management Office Coordinator Director Roy Abaya na ngayong buwan pa lang inaasahan ang integration ng apat na components ng RCEF matapos mailabas ang SARO o Special Allotment Release Order noong Hulyo.
Sakop aniya nito ang rice farm mechanization, rice seed development propagation, expanded credit assistance at rice extension services.
Bago matapos ang taon ay maipagkakaloob na umano ang bidding contracts para sa equipment o machinery sa pagsasaka, 2.12 million bags ng seedlings ang maipamamahagi sa beneficiaries habang 90 percent ng total cost ng produksyon ang maaaring utangin ng magsasaka.
Samantala, idinagdag pa ni Cayanan na pinag-aaralan na ng ahensya ang pagbibigay ng P600 na halaga ng bigas kada buwan at direktang pagbebenta ng palay sa concerned government agencies.
Isinasaayos naman ang pagkakaloob ng credit assistance na aabot sa 15,000 pesos kung saan walang ipapataw na interes at maaaring bayaran sa loob ng walong taon na pakikinabangan muna ng mga pinakaapektadong rice farmers depende sa lawak ng ektaryang sinasaka at sa naiaambag na produksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.