Magpapatuloy pa rin ang budget briefings ng House Committee on Appropriations sa National Expenditure Program na isinumite ng Malakanyang sa Kamara.
Ayon kay Rep. Isidro Ungab, pinuno ng komite, ito ay sa kabila ng ginawa ni Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte na pagharang sa first reading ng 2020 General Appropriations Bill (GAB) noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Ungab, ang panukala para sa 2020 budget na inihain para sa unang pagbasa sa plenaryo noong Miyerkules ay “faithful copy” ng National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa first reading ay binabasa lang naman ng Secretary General ang House Bill number, title, at author ng panukala na susundan ng referral ng Speaker sa appropriate committee.
Bukod dito, kapos din sa oras ang Kamara kaya agad na sinimulan ang mga budget briefings at itutuloy ito sa budget hearings sa oras na may maihain ng panukala sa 1st reading ng 2020 budget sa plenaryo.
Giit ni Ungab, sa oras na palitan ang nilalaman ng ihahaing 2020 GAB ay hindi na ito tutugma sa NEP ng Malakanyang at kinakailangan na umulit ang lahat ng isinagawang budget briefings.
Ito aniya ang unang pagkakataon na na-withdraw sa first reading ng plenaryo ang GAB sa tagal niyang naging Appropriations Chairman din ng apat na taon at miyembro ng komite sa loob ng pitong taon.