Kinondena ng Partylist Coalition (PLC) sa Kamara ang pagpapalaya sa itinuturing na mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe noong nakaraang taon.
Sinabi ni 1Pacman Rep. Mikee Romero, presidente ng PLC, malaking kawalan ng hustisya hindi lamang kay Batocabe kundi sa buong koalisyon ang pagpapalaya kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
Si Baldo ay pinalaya ni Legazpi City RTC Branch 10 Judge Maria Theresa San Juan Loquillano noong Sabado.
Umapela si Romero kay Loquillano na gamitin ang konsensya dahil matibay ang ebidensya laban kay Baldo at itinuro din ito ng confessed killer gayundin ang ginamit na baril kay Batocabe.
Para naman kay Magsasaka Rep. Argel Joseph Cabatbat,pangungutya sa Justice system ng bansa ang ginawang pagpapalaya kay Baldo dahil malinaw na ang mga mayayaman at politically powerful lang nakakatamasa nito.
Habang ang mga mahihirap naman umano tulad ng mga magsasaka, manggagawa at mga working class na napipilitang gumawa ng mga hindi nila gustong gawin ay kaagad kinukondena at pinaparusahan.