Ito ang ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno matapos damputin ang tinatayang 20 batang hamog sa pag-iikot niya sa District 1 at 2 kasama si Special Mayors Reaction Team (SMaRT) Chief P/Major Rosalino Ibay Jr at kanyang mga tauhan.
Ilan sa mga bata ang naaktuhan pang nagso-solvent at hindi rin naiwasan ng alkalde na makipaghabulan sa mga batang hamog.
Sa patuloy na pag-iikot ng alkalde, nabulabog ang dalawang distrito dahil sa pakikipagpatintero ng mga pulis gayundin ng alkalde sa mga batang hamog na nagkalat pa sa kalye sa dis oras ng gabi.
Habang ang ilang kabataan naman na nag-aabang lamang sa pagroroving ng alkalde ay kanya ring pinauuwi at pinaalalahanan na huhulihin na simula ngayong gabi ng Lunes ang mga menor de edad na makikitang nasa kalye pa.
Ang ilang adult na tambay sa kalye ay hindi rin nakapalag nang arestuhin ng mga operatiba dahil sa paglabag sa City Ordinance 5555 o ang pag-inom sa pampublikong lugar
Dinala sa Manila City hall ang mga inarestong mga batang hamog upang ilipat sa Manila Social Welfare and Development (MSWD), habang ang mga nahuling umiinom sa kalsada ay dinala sa prisinto.
Patungkol dito ay nagpatawag ng command conference ngayong araw si Moreno na kailangang daluhan ng lahat ng station commanders at operating units para sa implementasyon at pagpapaigting ng ordinansa .
Nagpatawag ng command conference si Moreno dahil napansin nitong walang mga pulis na umiikot sa Tondo na aniya ay dapat gumagawa nang panghuhuli ng mga batang hamog kundi mga pulis at mga opisyal ng barangay.
Napuna rin ng alkalde ang kawalan ng gabay ng mga magulang sa mga batang hamog dahil karamihan sa mga inaresto ay dati nang hinuli at kalalaya pa lamang.