(Updated as of 2:00am) Nauwi sa trahedya ang dapat sana ay layuning makapagsagip pa ng buhay matapos bumagsak sa isang resort sa Calamba, Laguna ang isang eroplanong magdadala sana ng pasyente pa-Maynila Linggo ng hapon.
Patay ang siyam katao, kabilang ang pilot at copilot habang sugatan ang dalawa pa matapos bumagsak ang medical evacuation plane.
Sa text message sa INQUIRER.net ni Laguna Provincial Police Office director Col. Eleazar Matta, galing sa Dipolog City ang 11-seater King Air 350 plane sakay ang dalawang piloto, isang doktor, tatlong nurse, isang lalaking pasyente, asawa ng pasyente at isang emergency medical technician.
Kinilala ang mga biktima na sina Capt. Jesus Hernandez (pilot), First Officer Lino Cruz Jr. (copilot), Dr. Garret Garcia, Kirk Eoin Badilla (nurse), Yamato Togawa (nurse), Ryx Gil Laput, Raymond Bulacja, Tom Carr (pasyente) at Erma Carr (asawa ng pasyente).
Umalis ng Dipolog City ang eroplano ala-1:40 ng hapon para sa isang medical evacuation flight.
Patungo sana ng Maynila ang eroplano para maipagamot ang lalaking pasyente.
Pero bumagsak ang eroplano sa isang swimming pool sa Pansol, at nagdulot ng sunog sa compound ng resort.
Ayon kay Jeffrey Rodriguez, opisyal mula sa Calamba City public order and safety office sunog ang mga katawan ng mga biktima nang matagpuan.
Inaalam pa ngayon ang sanhi ng insidente.