Sa inilabas na pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), bumagsak ang isang BE350 medical evacuation aircraft na may registry number na RP-C2296 sa isang resort sa Barangay Pansol pasado 3:00 ng hapon.
Lulan anila nito ang walong tao kasama ang isang pilot at co-pilot.
Lumipad ang aircraft mula sa Dipolog Airport sa probinsya ng Zamboanga del Norte.
Nagsimulang mawalan ng radar contact sa eroplano bandang 3:10 ng hapon.
Natanggap naman ng Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) ang Emergency Locator Transmitter (ELT) alert mula sa Corpas-Sarsat malapit sa Pansol dakong 3:14 ng hapon.
Dagdag pa ng ahensya, iniulat ng mga lokal na otoridad na nagresulta ang aksidente ng sunog bandang 4:45 ng hapon.
Agad namang na-control ang sunog sa lugar.
Nagpadala na ang CAAP ng mga imbestigador mula sa kanilang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) para alamin ang naging sanhi ng aksidente.