Pilipinas, maghahain pa rin ng diplomatic protest vs China kapag nagkaroon muli ng paglabag – Panelo
Bagamat hindi na uungkatin muli ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping ang ruling ng Permanent Court of Arbitration, iginiit ng Palasyo ng Malakanyang na tuloy pa rin ang paghahain ng diplomatic protest ng Pilipinas sa China kung may gagawin pa itong paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, hindi na kasi maisasantabi ang PCA ruling dahil final at binding na ito na hindi kinikilala ang nine dash claim ng China sa South China Sea.
Ayon kay Panelo, hindi mag-aatubili ang Pilipinas na maghain ng diplomatic protest kapag pumasok uli ang mga barko ng China sa teritoryo ng Pilipinas nang walang paalam.
“Kung magkakaroon ulit ng mga panibagong paglabag sa UNCLOS, siyempre magkakaroon ulit tayo ng protesta. Pag-uusapan ulit ‘yan kung bakit nagkaroon ng paglabag, mayroon nga bang paglabag, bakit sila lumabag.Laging idadaan natin sa pag-uusap,” ani Panelo.
Lalong hindi rin aniya mananahimik ang bansa kung may pang-haharass na gagawin ang mga Chinese na mangingisda sa mga Filipinong mangingisda.
Nasa diskarte na rin aniya ni Pangulong Duterte kung magpapasaklolo na sa United Nations para ipatupad ang PCA ruling.
“Diskarte na ni Presidente ‘yun. Kung ano ang mas mabuting gawin, ‘yun ang gagawin niya,” pahayag ni Panelo.
Sa ngayon, tuloy aniya ang mekanismo ng dalawang bansa para idaan sa maayos na usapan ang West Philippine Sea.
Matatandaang hindi kinikilala ni Xi ang PCA ruling at hindi aniya yuyuko ang China sa Pilipinas sa naturang usapin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.