Dating Daraga, Albay mayor na utak sa Batocabe slay case pinayagang magpyansa
Pumalag ang mga kaanak ng pinaslang na si Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe makaraang payagan ng hukuman na makapag-piyansa ang utak sa pagpatay sa dating mambabatas.
Sinabi ni Justin Batocabe, isa sa mga anak ng pinaslang na kongresista na hindi nila matatanggap ang pagpayag ng Legazpi City RTC (Regional Trial Court) Branch 10 na palayain si dating Daraga, Albay Mayor Carl “Awin” Baldo.
Noong nakalipas na buwan ng Mayo sumuko sa mga otoridad si Baldo makaraan siyang magtago.
Pero noong August 29 ay pinayagan siyang makapag-lagak ng piyansa ng hukuman na siyang ipinagtataka ng pamilya Batocabe.
Isang non-bailable crime ang murder pero nagtataka ang pamilya Batocabe kung bakit pinayagan na makalabas ng kulungan ang dating alkalde ng Daraga.
Si Batocabe ay pinagbabaril hanggang sa mapatay noong December 22, 2018 habang nasa kalagitnaan ng isang gift-giving event.
Sa nasabing pangyayari ay napatay rin ang bodyguard na pulis ni Batocabe.
Noong nakalipas na taon bago mapatay ay sinabi ni Batocabe na tatakbo siya bilang alkalde sa bayan ng Daraga.
Nananatili namang tahimik ang kampo ni Baldo sa nasabing isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.