2 LPA, Habagat magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

Dalawang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA sa kasalukuyan.

Sa 4am weather update ng PAGASA, ang unang LPA ay nasa loob na ng bansa at nasa layong 240 kilometro Silangan ng Aparri, Cagayan.

Ang isa namang LPA ay nasa layong 995 kilometro Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at ngayon ding umaga ay papasok na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay weather specialist Gener Quitlong ang sama ng panahon sa Silangan ng Cagayan ay dadaan ng extreme northern Luzon at posibleng maging ganap na bagyo lamang sakaling makalabas na ng PAR.

Ang LPA naman sa Silangan ng Surigao del Sur ay posibleng hindi tumama sa kalupaan.

Nakakaapekto ngayon ang southwest monsoon o Habagat sa western sections ng Luzon.

Dahil sa pinagsamang epekto ng LPA at Habagat, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang buong Luzon.

Ang Davao Region, Soccsksargen, at Caraga ay makararanas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dahil sa trough o extension ng isa pang LPA.
Ang buong Visayas at nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may posibilidad lamang ng mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.

Read more...