Pangulong Duterte nais maparusahan ang crew ng Chinese vessel sa Recto Bank incident
Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Chinese government na parusahan ang crew ng Chinese vessel na responsable sa paglubog ng bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank.
Ito ay sa kabila ng paghingi ng paumanhin ng may-ari ng barko.
Ayon sa pangulo, layon ng pagpapataw ng kaukulang parusa na matuldukan na ang isyu at maipakita ng China na hindi na mauulit pa ang kaparehong insidente sa hinaharap.
“I reiterate our desire for the filing or application of appropriate sanctions against the Chinese crew in the interest of achieving closure, manifesting good faith and demonstrating China’s resort to prevent a repeat of the incident,” ayon sa pahayag ng pangulo araw ng Biyernes na binasa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Nagpahayag din ng ‘appreciation’ ang pangulo sa pagkilala at pagkumpirma ng Chinese government sa responsibilidad ng Chinese fishing crew at ang kahandaaan ng bansa na magbigay ng kaukulang danyos para sa mga mangingisda.
Ayon sa pangulo, ang hakbang ng China ay patungo sa tamang direksyon.
Bago ang pulong ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping, ibinunyag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghingi ng may-ari ng Chinese vessel ng paumanhin sa pagbangga sa Gem-Ver 1.
Sinabi na rin ni Panelo na tutulungan ng gobyerno ang 22 mangingisda sakaling nais ng mga itong maghain ng damage claim at magsampa ng criminal case laban sa Chinese crew.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.