Pwersahang pinagbitiw sa pwesto ang top aide ni US President Donald Trump matapos maglabas ng mga pribadong impormasyon ukol sa first family.
Ayon sa CBS, ilang sources ang nagbunyag sa ginawang pakikipag-inuman sa mga reporters ni special assistant to the President Madeleine Westerhout.
Ipinagyabang umano ng 29 anyos na top aide ang kanyang access kay Trump sa kasagsagan ng bakasyon sa New Jersey.
Nagpahayag ng pribadong mga detalye si Westerhout ukol sa pamilya ng presidente at tsinismis pa ang ilang mga TV news personality na nais ng access kay Trump.
Hindi pa malinaw ngayon kung paano nakarating sa US president ang ginawang pakikipag-usap ni Westerhout sa mga mamamahayag.
Sa ulat naman ng New York Times, kinumpirma ng isang hindi pinangalanang White House official na hindi na papayagan pang makabalik sa executive mansion ang top aide simula Biyernes.
Isa pang hindi pinangalanang dating opisyal ng White House ang nagsabi sa foreign media na noon pa man ay espiya na sa presidente ang sinibak na top aide.
“She was a spy from day one who sought to use her proximity to the president to curry favour with his detractors,” ayon sa dating opisyal.
Nagtrabaho si Westerhout mula sa unang araw ng pagkapangulo ni Trump.
Walang opisyal na pahayag ang White House ukol sa kanyang pagkakasibak.
Bilang special assistant to the president at direktor ng Oval Office operations, kumikita si Westerhout ng $145,000 kada taon.