Chairman ng Brgy. Old Balara dumepensa sa pagpapakawala ng mga palaka vs dengue
Dumepensa ang kapitan ng Barangay Old Balara sa Quezon City matapos umani ng batikos ang ginawang pagpapakawala sa halos 1,000 palaka bilang bahagi ng kampanya kontra dengue.
Sa kanyang pahayag, araw ng Biyernes, iginiit ni Kapitan Allan Franza na ang mga palakang pinakawalan ay galing sa mga palayan sa Baras, Rizal.
Hindi rin anya ‘cane toads’ ang mga ito na nakalalason at delikado para sa mga aso at tao.
Sinabi ni Franza na posibleng wala nang ecosystem sa kanilang baranggay kaya’t lumaganap ang lamok at dengue.
Pero ayon sa ilang mga ekspesto, ‘caned toads’ ang uri ng pinakawalang palaka sa Old Balara.
Nakalalason anya ang mga ito at may dalang bacteria na salmonella at leptospirosis at iba pang pathogens.
Sinabi rin ng mga eksperto na hindi masyadong kumakain ng lamok ang mga cane toads.
Depensa naman ni Franza, nagluto ang isa sa kanyang tauhan ng ilan sa mga pinakawalang palaka ngunit hindi naman ito nalason.
Pabor din anya ang mga residente ng kanilang baranggay sa pagpapakawala sa mga palaka at walang nagreklamong nalason o hindi kaya ay may namatayan ng aso o pusa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.