PIA Director General Harold Clavite nagbitiw na sa pwesto
Nagbitiw na sa pwesto ang pinuno ng Philippine Information Agency (PIA) na si Harold Clavite.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post, inanunsyo ni Clavite na epektibo simula kahapon, araw ng Biyernes ang pag-alis niya sa ahensya.
Pinasalamatan ni Clavite ang lahat ng naging bahagi at sumuporta sa kanyang pamumuno kabilang ang mga taga-gobyerno, pribadong sektor at ang publiko.
Ayon sa resigned PIA chief, umaasa siyang magkakaroon ng mas maayos na private life mula ngayon.
Nagawa na niya umanong mapagsilbihan ang bansa at babalik na siya ngayon sa kanyang pamilya.
Pinasalamatan din ni Clavite si Pangulong Rodrigo Duterte sa tiwala at kumpyansa nito sa kanya at sa oportunidad na maging bahagi ng pagpapatupad ng pagbabago sa gobyerno.
Magugunitang noong Hunyo, inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na iniimbestigahan si Clavite dahil sa umano’y isyu ng korapsyon.
May mga alegasyon laban kay Clavite ukol sa kwestyunableng procurement ng ‘Asean Komiks’, maling paggamit ng pondo para sa hotel accomodations, at iregularidad sa produksyon ng mga information, education at communication materials.
Pero giit ni Clavite, walang basehan ang mga akusasyon at bahagi lamang ito ng demolition job dahil sa financial at organizational reform na kanyang ipinatupad sa PIA noong 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.