Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Chinese na huwag pumasok sa illegal drug trade at iba pang krimen habang nasa Pilipinas kundi ay papatayin niya ang mga ito.
Babala ito ng pangulo sa gitna ng kanyang talumpati sa business forum sa China araw ng Biyernes.
“For those who are into drugs, crimes, I am just asking them: Please avoid the Philippines because if you destroy my country with drugs, cocaine and everything, I will kill you. Period,” ayon sa pangulo.
Pero sinabi ni Pangulong Duterte na kung sumusunod naman sa batas ang mga Chinese gaya ng mga negosyante ay poprotektahan pa sila ng gobyerno.
Samantala, hiningi rin ng pangulo ang tulong ng China sa pagtugon sa mga krimen sa Pilipinas na kinasangkutan ng mga Chinese nationals.
Nais ng pangulo ang kooperasyon ng China para sa mga kaso sa bansa na kinabibilangan ng kanilang mga mamamayan.
Binanggit ni Duterte ang mga kaso ng mga Chinese na dinudukot, minsan ng mga kapwa nila Chinese, dahil sa pagsusugal.
Ayon sa pangulo, kapag nabaon na sa utang ang Chinese dahil sa sugal ay dinudukot at pinapatay sila ng kanilang mga kababayan.
“Once they lose heavily, there are financials mostly Chinese that would lend you the money. But after that, they would ask for your repayment and if it cannot be repaid at once, they kidnap and sometimes they kill Chinese nationals, kidnapped by Chinese national,” ani Duterte.