Posibleng maitala ngayong taon ang pinakamataas na bilang ng dengue cases sa kasaysayan ng Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).
Sa anti-dengue search and destroy cleanup drive na isinagawa kahapon sa San Juan City, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa 208,000 na ang dengue cases sa bansa simula noong Enero.
Umabot sa 622 ang namatay dahil sa sakit.
Ayon kay Duque, malapit na ang bilang sa 216,000 dengue cases na naitala noong 2016 na pinakamataas sa kasaysayan.
“It could be a possible record-breaking year for dengue,” ani Duque.
Sampung rehiyon na sa bansa ang lumagpas sa epidemic threshold o ang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Dahil sa banta ng dengue, pinatitiyak ni Duque sa lahat ng local government units (LGUs) na maaabot ng information drive tungkol sa sakit ang lahat ng kanilang nasasakupan.
Sa San Juan, pinayuhan ni Duque at ni Mayor Francis Zamora ang mga residente na magsagawa ng safety measures kabilang ang pagtanggal sa mga stagnant water na pinamumugaran ng mga lamok.