Ipinasara ng Manila Bureau of Permits and Licenses Office (BPLO) ang isang club sa Malate kung saan naaresto ang sampung dayuhan na iligal na nagtatrabaho Miyerkules ng gabi.
Sa Facebook video ng Manila Public Information Office, makikita ang paglalagay ng “closed” sign sa Sha Sha Club na nasa kanto ng San Andres at Adriatico Streets.
Naaresto sa naturang club ang siyam na babaeng Russian nationals at isang babaeng Kazakhstan national na nagtatrabaho ng walang kaukulang permit.
Ayon kay Manila Police District (MPD) chief Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., inaresto ng mga miyembro ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (MPD SMaRT) ang mga dayuhan na nagtatrabahong entertainers matapos madiskubre na walang working visa ang mga ito.
Nabatid din na ang establisyimento ay bigong makasunod sa mga kailangang permits sa ilalim ng 2013 Omnibus Revenue Code of the City of Manila.
Nakikipag-ugnayan na si Manila City Administrator Felixberto Esperitu sa Bureau of Immigration para kumpirmahin ang status ng mga dayuhan.
Sinabi naman ni Danao na iniimbestigahan ng MPD kung may sangkot na human trafficking syndicate sa mga naarestong foreign nationals.