Pamunuan ng LRT-1 nag-sorry dahil sa insidente ng pagsakay ng isang transgender woman

Radyo Inquirer file photo

Humingi ng paumanhin ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) matapos na ipahiya ng gwardya ng Light Rail Transit-1 (LRT-1) ang isang transgender woman na pumila sa tren na para sa mga kababaihan.

“Light Rail Manila Corporation (LRMC) believes that all passengers, regardless of their sexual orientation, deserve a safe, comfortable and reliable transportation that does not tolerate any form of discrimination,” pahayag ng ahensya sa INQUIRER.net.

Ayon sa LRMC, sinabihan ng hepe ng security ng LRT-1 ang gwardya na mag-sorry sa transgender woman, bagay na ginawa nito at tinanggap naman ng complainant.

Sa kanyang Facebook account ay kinuwento ni Darna Evangelista ang nangyari noong sumakay siya sa LRT-1 Carriedo Station noong August 7 kasama ang kanyang boss.

Ayon kay Evangelista, kinuwestyon ng hindi pinangalanang lalaking gwardya kung bakit nakapila siya sa tren na pang-babae.

Nagtanong umano ang gwardya kung nagpapalit na ba ng ari si Evangelista.

“Nagpapalit na po ba kayo ng ano,” nakasaad sa post ni Evangelista.

Sumagot ito na kailangan pa bang ipakita niya ang pribadong bahagi ng kanyang katawan.

Pero sinabi ng gwardya na lalaki pa rin si Evangelista kahit sinabi na nitong isa na siyang transgender woman.

“Lalaki ka pa rin,” pahayag ng gwardya.

Nang pasakay na si Evangelista sa tren ay isinigaw umano ng gwardya sa megaphone na bawal ito sa pang-babaeng tren dahil lalaki pa rin ito.

“Sir bawal ka diyan kasi lalaki ka pa rin.”

Sa puntong ito ay kinompronta ni Evangelista ang gwardya at tinanong ito kung bakit siya pinahiya, bagay na itinanggi ng gwardya.

Nang ipaalam ang pangyayari sa pinuno ng security ng LRT-1 ay humingi ng paumanhin ang chief security officer at pinag-sorry din ang gwardya pagkatapos ay pinayagan na rin si Evangelista na sumakay sa tren ng mga babae.

Read more...