Batay sa datos ng PNP, 28 na ang kabuuang bilang ng mga insidente ng ligaw na bala ang kanilang naitala simula noong December 16, ang simula ng kanilang pagbabantay sa mga naturang insidente.
13 dito ay naitala ng PNP mula December 16 hanggang December 30.
Ngunit sa mismong pagsalubong ng bagong taon mula December 31 hanggang January 1, nadagdagan pa ang bilang na ito ng 15.
Sa kabutihang palad, wala namang nasawi sa mga naitalang kaso, pero sa 17 kataong nasugatan dahil sa ligaw na bala mula December 16, apat dito ang naitala noong December 31, habang pito naman pagsapit ng January 1.
Anim sa 17 biktima ay mga menor de edad, at tatlo sa kanila ay mismong sa unang araw ng 2016 tinamaan ng ligaw na bala.
Nakilala ang mga biktima ay sina MaryClair de la Lilan, 12 taong gulang na tinamaan sa paa sa Brgy. Capitol Site sa Cebu; 16-anyos na si Jean Angelica Galam ng Bacarra, Ilocos Norte na tinamaan sa kanang braso, at ang 11-anyos na si Sarpina Jadjong na nadaplisan ang anit ng bala sa Patikul, Sulu.
Umabot naman sa walo ang na-monitor ng PNP na iligal na pagpapaputok ng baril, pero pito pa lamang ang kanilang naaaresto kabilang na ang isa ring pulis Maynila na si PO1 Francis Nepomuceno Flake at isang security guard na si Jerry Masaoay Divina sa Abra.