Rep. Biazon nakukulangan sa sorry ng China sa Recto Bank incident

Nakukulangan si Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon sa liham ng China na nagsasaad ng paghingi nito ng tawad sa Pilipinas kaugnay sa Recto Bank incident noong Hunyo.

Ayon kay Biazon, welcome naman ang paghingi ng paumanhin ng China ngunit mas magiging kumpleto sana ito kung tinukoy ang gumawa ng liham, anong association ang binanggit, at kung nakasaad na nagsisisi ang may-ari ng barkong bumangga sa bangkang pangisda ng mga Pinoy.

Sa ganitong paraan aniya ay mas maayos na kikilalanin ng gobyerno ang letter of apology.

Iginiit rin ni Biazon na mas makikitaan sana ng sinseridad ang paghingi ng tawad ng China kung ibinahagi nito sa sulat ang resulta ng imbestigasyon hinggil sa tunay na pangyayari noong gabi ng June 9.

Hinimok naman ng kongresista ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agad alamin ang mga naturang impormasyon para makatulong sa patuloy na pagsisiyasat ng pamahalaan sa insidente.

Mababatid sa liham na may petsang August 28 na hinihimok ang Pilipinas na umapela para sa civil compensation base sa aktwal na pinsalang idinulot ng pagbangga ng Chinese vessel bagama’t nakalagay lamang sa ibabang bahagi ang salitang “noted” at lagda ng hindi nakilalang sumulat nito.

Read more...