NWRB, MWSS: Krisis sa tubig mararanasan hanggang Summer 2020

Hindi pa tapos ang kalbaryo ng mga taga-Metro Manila sa suplay tubig sa kabila ng pagbabalik sa normal ng antas ng tubig sa Angat Dam.

Sa briefing ng House Committee on Metro Manila Development araw ng Miyerkules, sinabi ng mga opisyal ng water agencies na hindi pa matatapos ang krisis.

Sa tanong ni Valenzuela City 2nd District Rep. Eric Martinez kung tapos na ba ang krisis, sinabi ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Emmanuel Salamat na nakadepende pa rin ito sa water availability at sa dami ng ulan na bubuhos sa dam.

Ang Angat Dam ang pinagkukunan ng 90 percent ng suplay ng tubig para sa Metro Manila.

Giit ni Salamat, batay sa kanilang pagtaya mananatiling kritikal ang antas ng tubig sa Angat Dam hanggang sa summer ng 2020 na nangangahulugang tuloy pa rin ang rotational distribution ng tubig.

Ayon pa sa MWSS official, ikinokonsidera pa rin ang paghahanap ng bagong pagkukunan ng tubig.

Hanggang kahapon, nasa 181.77 meters ang tubig sa Angat Dam, mataas lamang ng kaunti sa minimum operating level na 180 meters.

Kasunod nito direktang sinabi ni National Water Resources Board (NWRB) executive director Sevillo David Jr. na hindi pa tapos ang krisis lalo’t nasa minimum operating level pa rin ang Angat Dam.

Kahit pa sumampa sa 181.77 meters ang tubig at nasa normal operating level, lubha pa rin anyang mababa ito.

Ani Sevillo, kailangang mamando nang husto ang suplay para magamit hanggang sa susunod na taon.

Bagama’t itataas simula September 1 ang water allocation sa 40 cubic meters per second mula sa kasalukuyang 36 cubic meters, mas mababa pa rin ito sa regular allocation na 46 cubic meters per second.

 

 

 

 

 

Read more...