Sa kauna-unahang pagkakataon: Pilipinas bibili ng submarines
Upang mapalakas pa ang Hukbong Pandagat, plano ng gobyerno na bumili ng bagong barkong pandigma at submarines.
Sa harap ng mga mamamahayag araw ng Miyerkules, sinabi ni Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Robert Empedrad na dalawang submarines ang bibilhin ng bansa.
Aprubado na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili sa mga bagong assets ng Philippine Navy.
Ang mga bibilhin ay:
- 2 submarines
- 8 bagong fast attack interdiction craft (missile-capable) na may bilis na hanggang 40 knots
- 6 bagong offshore patrol vessels
- 2 bagong corvettes
- 2 refurbished Pohang-class corvettes, sister vessels ng BRP Conrado Yap na binili mula South Korea
Ayon kay Empedrad, kumpara sa mga kapitbahay na bansa na may malalakas na Hukbong Pandagat ay napakalayo pa ng kakayahan ng Pilipinas.
Upang maisakatuparan ang modernization plan para sa Navy, pinaplano ang pagpapaupa sa kanilang Jose Andrada Naval Station sa Roxas Boulevard sa halagang P40 bilyon.
Ito ay kahit sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na ang kikitain sa pag-papaupa ay magagamit para dagdagan ang pension ng mga retiradong sundalo at war veterans.
Giit ni Empedrad, mas gugustuhin niyang magamit ang pera sa modernisasyon ng Navy.
Mabagal man anya ang progreso para sa modernisasyon ng Hukbong Pandagat ay sigurado naman ito.
Naniniwala si Empedrad na sa pagdating ng bagong assets ng Navy, mapapalakas ang kakayahan para mabantayan ang maritime waters ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.