Konstruksyon ng Kaliwa Dam itutuloy pa rin ng gobyerno
Inihayag ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) na tuloy pa rin ang konstruksyon ng Kaliwa Dam project sa kabila ng mga pagtutol dito.
Sa briefing ng House Committee on Metro Manila Development araw ng Miyerkules, sinabi ni bagong MWSS administrator Emmanuel Salamat na sisimulan na agad ang proyekto sakaling makakuha ng environmental compliance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“We will implement this project as approved by our board of trustees. We are currently complying with the requirements for the project. Right now, we’re waiting for the ECC,” ani Salamat.
Pagtitiyak ni Salamat, nagsasagawa sila ng public hearings para sa mga maaapektuhang komunidad at tinutugunan ang kanilang mga hinaing.
Magugunitang mariing tinututulan ang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan at maraming indigenous people (IP) ang mawawalan ng tirahan.
Sisilipin naman ni Salamat ang isyu sa umano’y iregularidad sa bidding ng Kaliwa Dam project.
Ang Kaliwa Dam project o opisyal na tinatawag na New Centennial Water Supply ay sinasabing makapagbibigay ng karagdagang 600 million liters ng tubig para sa Metro Manila.
Una nang inaprubahan ang proyekto taong 2014 sa pamamagitan ng public-private partnership pero taong 2017 ay binago ang financing scheme sa pamamagitan ng official development assistance ng China.
Itatayo ang proyekto ng China Energy Engineering Corp. sa halagang P12.2B kung saan ang 85 percent o P10.5 bilyon ay popondohan ng China habang ang 15 percent o nasa P2B ay sasagutin ng MWSS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.