Faeldon itinanggi ang release order ng 3 convict sa Chiong rape-slay case
Itinanggi ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na may pinirmahan siyang release order para sa umanoy paglaya ng 3 inmates na convicted sa pagpatay at paggahasa sa magkapatid na sina Marijoy at Jacqueline Chiong.
Ang sinasabing release order ay para umano sa paglaya nina Rowen Adlawan, Ariel Balansag at Alberto Caño.
Nabatid na ang posibleng paglaya ng tatlong convicts ay dahil sa batas ukol sa good conduct.
Nagpahayag naman ng pag-aalala ang ina ng magkapatid na Chiong na mapapalaya ang tatlong inmates katulad sa sitwasyon ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Iginiit ni Thelma Chiong na mayroong kasunduan ukol sa pag-abolish ng death penalty, na ito ay walang parole at pardon.
Ayon kay Ginang Chiong, executive clemency mula sa pangulo ang para sa tatlong convict kaya hindi anya pwede na mapapalaya ang mga ito dahil sa magandang ugali habang nakakulong.
Sa ngayon ay suspendido ang pag-proseso ng paglaya ng mga inmates alinsunod sa Republic Act 10592 sa gitna ng kontrobersya sa paglaya ni Sanchez.
Noong May 5, 1999 ay nahatulan ng life imprisonment ang pitong akusado sa krimen at noong 2004 ay itinaas ng Korte Suprema ang sintensya sa kamatayan.
Matatandaan na dinukot, ginahasa at pinatay ang magkapatid na Chiong sa Cebu noong July 1997.
Narekober ang bangkay ni Marijoy sa bangin sa bayan ng Carcar pero walang natagpuan na bangkay ng kapatid nitong si Jacqueline.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.