Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng Koreano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Grifton Medina, hepe ng BI Port Operations Division, paalis na sana ng bansa sina Hong Chan Woo, 24 anyos, at si Jun Juman, 36 anyos, nang makita ng immigration officer sa Interpol database na mayroon silang criminal record sa Korea.
Patungo aniya sana si Hong sa Jakarta, Indonesia habang si Jun naman ay sa Hanoi, Vietnam.
Ayon naman kay Atty. Rommel Tacorda, hepe ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU), si Hong ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa pamemeke ng dokumento at fraud.
Samantala, si Jun naman ay may kasong paglabag sa game industry promotion act.
Dinala na ang dalawa sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa pagproseso ng kanilang deportation.
Sina Hong at Jun ang pang-lima at pang-anim na puganteng Koreano na naaresto ng BI sa buwan ng Agosto.