Security Guard at Janitress sa isyu ng transgender na si Gretchen Diez nais ipatawag sa Kamara

Nais ipatawag sa Kamara ang janitress at security guard na sangkot sa insidente ng pagpasok ng transgender na si Gretchen Diez sa cr ng mga babae sa isang mall sa Quezon City.

Sa 7 pahinang resolution ni Deputy Speaker at Cibac Rep. Bro. Eddie Villanueva, iginiit nito na dapat din makuha ang panig ni Honeylea Joy Balili at ang security guard na rumesponde sa naturang insidente na si Meriegen Mauro at representative ng Farmers Mall para magarantiyahan ang impartiality at objectiveness sa nasabing isyu at marinig ang panig ng dalawang kampo.

Paliwanag ng kongresista, hindi man lang narinig sa mga pagdinig at interviews ang panig nina Balili at Mauro na ginagawa lamang ang trabaho nila para lamang sa kapakanan ng mga tunay na babae na dapat ay eksklusibong cr na pambabae.

Iginiit pa ni Villanueva na kung may naagrabyadong partido sa naturang insidente ng araw na iyon ay dapat maghain ng kaso sa korte na siyang magdedesisyon kung sino ang may sala.

Subalit hindi dapat gamitin ang nasabing insidente para madaliin ang pagpasa ng SOGIE bill na mariin niyang tinututulan.

Bagamat hindi maikakaila na umiiral ang diskriminasyon sa LGBT community tulad sa ibang sektor ay nakikita niya ang SOGIE bill na puno ng legal na kahinaan at maraming tanong na hindi masagot tungkol sa social acceptability at feasibility sa pagpapatupad nito, kaya hindi siya papayag na maipasa ito ng walang masusing diskusyon dito para malinawan ang lahat.

Read more...